State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City, on July 23, 2012]
Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat.
Senate President Juan Ponce Enrile;
Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating
Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga
kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na
kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng
Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal;
mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at
kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at, siyempre, sa
akin pong mga boss, magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at
parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang
nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang
kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa
kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang
sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.”
Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng
taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa
panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang
idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at
pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang
mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng
marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may
inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung
may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong
mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang Batas Militar.
Tinanong tayo noon, “Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon,
kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang
demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa
mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa
pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang
pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang
Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin
ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga
nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail.
Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa
lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na train
sets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang
masaklap pa po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa
ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang
isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang
sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang pangangailangan sa armas
ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang
helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos,
patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na.
Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na
backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion
pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng
2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na
milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para
makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin
sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa
modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang
iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng
kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong
boksingerong isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at
paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at
ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming
panunungkulan, inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog
sa Panginoon ang mga bangungot na humaharap sa amin. Inasahan naming
mangangailangan ng ‘di bababa sa dalawang taon bago magkaroon ng
makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng
taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang
nakatatak na sa ating lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa
buong mundo: Walang hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap
po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan
na ito. [Applause]
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo:
nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief.
Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at hindi
tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na
lang sa pulis, ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno.
Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon,
tunay na kakampi na ng Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal
ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa
mundong open for business under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon,
punung-puno na ng sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating
action, ang sabi ng iba, tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin
kaya? [Applause] Sa Philippine Stock Exchange index, nang una
nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda. Ngayon, sa dami ng
all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa pagbilang, at
ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala tayo, at bihira
nang bumaba sa 5,000 ang index. [Applause] Nito pong first
quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo
niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian
region; pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. [Applause]
Dati po’y namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang
dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong po namin, ang
sabi ay, “Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura,
pero una naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isa pong malaking
bangko sa Inglatera, kamakailan nakipag-usap sa atin, ang sinabi,
maisali sana sila sa ating kinukunsulta sa usapang pinansyal.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the Philippines.” Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next Tiger.” [Applause]
Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global
Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a joke.”
At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang
bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause] Sana nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na rin ng lokal na tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot ang
kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo,
may 760,357 na kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng
dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang
ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. [Applause]
Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8
milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng
proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa
lang, maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD:
may 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapacheck-up. Idagdag pa
natin, 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea, polio,
tigdas, at iba pa. 4.57 million na estudyanteng hindi na napipilitang
mag-absent dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating
tayo, animnapu’t dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang
naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat
sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o
buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng
mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na
pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household Targeting
System, buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng
PhilHealth. [Applause] Dahil po sa No Balance Billing policy ng
Department of Health, ang lunas para sa dengue, pneumonia, asthma,
katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic disease tulad ng
breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na nang
libre ng mga pinakamahirap nating kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para
sa kanila: Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang
iyong PhilHealth card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang
walang inilabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na
dinaluhan natin, apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita
ng health professional sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa:
may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo
sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi
po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot
ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito.
Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga
nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. [Applause]
Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community
Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan
ng mga doktor at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga
nurse kung saan makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang
targeting, kung saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause]
sa mga lugar na matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala
po natin ang ating mga health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng
Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo,
ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission. [Applause]
Dalawang problema po ang natutugunan
nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang
libu-libong nurse at midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang
kaalaman, nagiging abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa
milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento
rito, dahil ang hangad natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito
hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya nating
tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang kailangan upang
mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating
iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito
traps kontra dengue noong nakaraang taon. Alam naman po ninyo, ang mga
siyentipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Kaya maaga pa para sabihing
siguradong-sigurado na tayo, pero nakakaengganyo po ang mga paunang
resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps
sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue.
Sa buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang
inilagay ang mga mosquito trap noong 2011: mukhang nakatulong dahil
bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang reduction nito. [Applause]
Sa mga bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng
dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa
Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat
na lang noong 2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito.
Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary
Ike Ona ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST, [Applause] Wala ho tayong masyadong umento, baka sa palakpak n’yo’y ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang
solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal mortality ratio ng
bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang tugunan ang
pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating makamit ang
Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad, at
tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. [Applause] Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa
kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang
matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang
nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay
Secretary Luistro: Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana
nating 66,800 na kakulangan sa silid-aralan. [Applause] Uulitin
ko lang po, next year po ‘yan; 40,000 pa lang ho this year. Ang minana
po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating
matutugunan bago matapos ang 2012. [Applause] Sa taon din pong
ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang
maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. [Applause]
Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating
huwag uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko
po, Responsible Parenthood ang sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang
ating mga State Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang
43.61 percent na pag-angat sa kanilang budget para sa susunod na taon. [Applause]
Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat
na kondisyon ang dagdag-budget na ito. Kailangang ipatupad ang
napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng kaukulang mga state
universities and colleges, upang siguruhing dekalidad ang magiging
produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang
grado ninyo sa assignment na ito, asahan naman ninyong dodoblehin din
namin ang kayod para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po
ninyo. [Applause]
Panay addition po ang nagaganap sa ating
budget sa edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana
sa atin noong 2010, 177 billion pesos. Ang panukala natin para sa 2013:
292.7 billion pesos. [Applause] Noong 2010, 21.03 billion pesos
ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan upang umabot na sa
37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013. [Applause]
Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes
para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki
sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may nagsasabi o
magsasabi pa ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin
na lang namin ang inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math
class para sa inyo. [Laughter and applause] At sana naman po, sa mga klaseng ‘to, pakiusap po namin, sana itong klaseng remedial na nga eh pasukan naman po ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang
makabuluhang reporma, minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng
pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang itong mauupos rin
paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng
negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang
industriya na ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos
ang taon, bawat bata ay may sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo
sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2
million na pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok
sa ospital nang hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan
ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong gumaling
ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong
milyong pamilyang Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga
pangarap dahil sa Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at
sabihin ninyong, “Ibabalik ko kayo sa kawalan ng pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon kung kailan choice
lang ng makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa
TESDA, nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang problema, wala palang
nakalaang pondo para rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala:
2.4 billion pesos ang sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula
sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t isang administrasyon;
sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause]
hindi siya nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad
sa kanyang ahensya. Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA,
434,676 na indibidwal pa rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training
for Work Scholarship Program. [Applause] Kongkretong tagumpay
din po ang hatid ng TESDA Specialista Technopreneurship Program (mas
mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin po ninyo, bawat isa sa
5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos
kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum
wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa
pagkabinata, gumagana na ang sistema para sa mamamayan. Sinisiguro
nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng ating ekonomiya.
Alalahanin po natin, para tumabla lang,
kailangang makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa
mga new entrants. Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos
3.1 million na bagong trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit pababa
nang pababa ang unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight
percent ang unemployment rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at
bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng Abril. [Applause] ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO
sector. Noong taong 2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa
industriyang ito. Fast forward po tayo ngayon: 638,000 katao na ang
nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong dolyar ang
ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011. [Applause]
Ang projection nga po ng industriya, pagdating ng 2016, kung saan ako po
ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito,
at makakapag-empleyo ng 1.3 million na mga Pilipino. [Applause]
Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi
driver, barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang
makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.
Malaking bahagi din po ng ating
job-generation strategy ang pagpapatayo ng sapat na imprastraktura. Sa
mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na naman ninyo ang
bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po ang plano
upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid. Bago matapos ang aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause] New Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. [Applause] Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto Princesa, at Tacloban. [Applause]
Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato,
Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa
Palawan. [Applause] Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo
sa problema ng NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang nag-take off at
nag-landing dito: maging mga problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw
na po ng salita si Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na
SONA, maisasaayos na ang mga structural defects na minana natin sa NAIA
3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring
umusad ang proseso para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na
magpapaluwag sa trapik ng Las Piñas, Parañaque, at Cavite. [Applause]
Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at
mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon Expressway,
magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po ang
mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes na
lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga
ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad
na terminal sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus
biyaheng probinsya, [applause] upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan
tungkol sa ahensyang dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala
ko po dati: Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang
MacArthur Highway. Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang
kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon
ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin
ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera.
Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa
kanila ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo
rin ang mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno,
bakit wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “Sobra namang
trapik, ang dami kasing ginagawa.” [Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa
kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi
na bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi
na ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang pakikinabangan ng
Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers sa ating
national road network ang hindi pa naisasaayos. One thousand five
hundred sixty-nine kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng
pamamahala ni Secretary Babes Singson; [applause] sa 2012,
2,275 kilometers pa ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang
mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang
pinakabagong teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito, upang bago
matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national road network,
maayos na po. Siyempre ‘wag lang po n’yo dagdagan ang national road
network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema,
isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at
procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula
2011 hanggang nitong Hunyo. [Applause] Maging mga kontratista,
batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po nila, “Ang
top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo
natin ng iba pang imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng
ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng
imprastraktura ang paglago ng turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang
tourist arrivals sa ating bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo
noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million. Mantakin po ninyo: sa
hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag nilang tourist
arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating taon diyan.
Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012, 2.1 million na turista na ang
napalapag. [Applause] Mas marami pang dadagsa sa peak season
bago matapos ang taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin ang
quota na 4.6 million na turista para sa 2012. [Applause] Ibig
sabihin po, 1.5 million na turista ang ating maidadagdag. Samakatuwid,
sa dalawang taon, mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist
arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at
kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po
tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary
Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na
turista noong 2011, at kung sa Thailand naman tinatayang 17 million, sa
dinami-dami ng magagandang tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro
suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating ng 2016, sampung milyong
turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon. [Applause] Kung
patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas
nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New
Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag
nga po natin sa daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” [Applause]
Kahit wala pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez,
nagagapas na natin ang positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma.
Masasabi nga po nating pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have
Secretary Mon Jimenez as our Secretary.” [Applause]
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok
ng listahan ang agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang
makapaghatid ng mabubuting balita. [Applause] Binisita po niya
ang lahat ng probinsya hindi para mangampanya sa sarili pero para
ikampanya ang programa ng Department of Agriculture. Dati, para bang ang
pinapalago ng mga namumuno sa Department of Agriculture ay ang utang ng
NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman
nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na
1.3 million metric tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito,
‘di bababa sa two million metric tons ang kanilang inangkat noong 2010.
Parang unlimited rice sila kung maka-order ng bigas, pero dahil
sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga bodega. Ang 1.3 million
metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa 860,000 metric
tons. [Applause] Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang
susi dito, makatotohanang programa sa irigasyon at masigasig na
implementasyon ng certified seeds program. [Applause] Ang
masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung
dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng
niyog at ang cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan
na ng magsasaka. Noong 2009, 483,862 liters ng cocowater ang iniluwas
natin. Umangat po ito ng 1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong
magugulat, noong 2011, 16,756,498 liters [applause]—puwede ho
bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng
Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may
shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang
pagkakataong ito. Bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng
bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa
susunod na taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog.
Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang
Comprehensive Agrarian Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang
programang ito sa panahon ng aking panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema upang
mapabilis ang pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan
ang lahat ng hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka ang mga
lupaing diniligan at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa
rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa
kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang atas ng taumbayan,
at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na dapat ang
lahat ng lupaing sakop ng CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari
sa sektor ng enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad
ng kuryente sa barangay hall, “energized” na raw ang buong barangay.
Kaya ganoon na lang kung ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga
barangay sa bansa ang may kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay
matagal nang napapakinabangan ng Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga
po, para subukan ang kakayahan ng DOE at NEA, naglaan tayo ng 1.3
billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300 sitios, sa
presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang napailawan
sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng 814
million pesos. [Applause] Nagawa nila ito sa loob lamang ng
tatlong buwan, at mas marami pa pong gagawin sa taong ito hanggang
maubos ‘yang 36,000 na sitiong walang kuryente. Kay Secretary Rene
Almendras, bilib talaga ako sa iyo; [applause] parang hindi ka
nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka lang ever-ready,
nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going, and
going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa
ating bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na
sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na
magagantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang
mahigit limandaan libong krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati
po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito, ang
dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas
kalahati rin ang ibinaba; 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga
headline. Hindi po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero
palagay ko naman po, wala dapat magalit na nangalahati na ito. Si
Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa
loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at naipakulong na?
Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso at
kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa
Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa,
humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa
ilegal na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw ang laban
ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga
po pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating
tayo, apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at
umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter]
Mayroon pong nanalo na sa bidding, tinitiyak na lamang nating dekalidad
ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at itong taon po
nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit
nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. [Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.” [Laughter]
Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin
ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at
pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong
piso para sa AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t
tatlong bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa
nakalipas na labinlimang taon. [Applause] Bumubuwelo pa lang po
tayo sa lagay na ‘yan. Kapag naipasa na ang panukala nating AFP
modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng pitumpu’t limang
bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong
dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa Defense Capability
Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa
tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa
ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang
Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier,
at frigates. Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; [applause] ngayon, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung
maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil
darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa ating tanggulan.
Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t
anim na taon nang rumoronda sa himpapawid. Dalawa pang C-130 ang
magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito,
inaasahan nating maide-deliver na ang binili nating dalawampu’t isang
refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga
radyo’t iba pang communication equipment, rifles, mortars, mobile
diagnostic laboratories, kasama na ang bullet station assembly para sa
arsenal. [Applause] Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang
sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light
lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas
ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan
na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t
dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing
program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o
pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito
sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol
ang ating sarili—isang bagay na kay tagal nating inisip na imposible.
Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa
peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang
ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan nating ang ilang mga
benipisyaryo ang magsabi sa pagbabago ng buhay po nila:
[Video starts]
“Nagpapasalamat sa Poong Maykapal.
Binigyan kami ng ganitong pagkakataon—binigyan ng blessing na ganito.
Pangalawa, ‘yung pagkakaroon natin ng mabait na pangulo. Itong proyekto
na ito ay hindi niya kami pinababayaan—mga kapulisan at mga
sundalo—sandatahan ng ating Pilipinas.” - SPO1 Domingo Medalla [PNP Housing Beneficiary]
“Kinakaya namin, ma’am. Pero ginagawan
ko talaga ng paraan na makapasok sila [sa eskuwela]. ‘Yun lang talaga,
ma’am, ang misyon ko sa buhay na mapaaral sila, maibigay ko ‘yung tamang
edukasyon, na hindi maging gusgusin ang anak ko, hindi kaawa-awa[an] ng
mga tao, may magulang na dapat magtaguyod. At, napapasalamat ako sa
Pantawid [Pamilya Program], ma’am, dahil may natutunan ako ditong
malaki.” - Eva Neri [CCT beneficiary]
“Malaking tulong na isa kami—ang alam ko
kauna-unahan na nakinabang at nakikinabang pa sa package na ‘to na
Category Z Package ng PhilHealth. Nagpapasalamat kami nang sobra at
hindi man maganda na nagkaroon ng sakit ang anak ko, pero mayroong
PhilHealth na tutulong at handang tumulong sa mga gastusin namin.” - Kristine Tatualla [PhilHealth beneficiary]
“Noong araw na nasama ako sa isang
Oakwood Mutiny—‘yung pinaglalaban namin, ito na po ‘yung hinihintay
namin para sa pagbabago at ito na po ang pagkakataon natin para
magkaroon tayo ng sariling bahay lalong lalo na sa programa ng ating
presidente na si Benigno Aquino III.” - PFC Rolly Bernal [AFP Housing Beneficiary]
[Video ends]
At ngayon ngang inaaruga na sila ng
taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan
ang kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at tatlong
rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na
bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po, ang kilabot na
teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim.
Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik sa katahimikan sa mga lugar na
matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na
barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang
naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang
usapan, dumako naman tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga
mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa
ARMM, at alam naman po n’yo, may mga ghost students doon, na naglalakad
sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo sa
isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor
Mujiv Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang
may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi
lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission,
gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya.
Limampu’t limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating
paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng
pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang
pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang
kaluluwa. [Applause] Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na:
pabahay, tulay, at learning center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga
community-based hatchery, lambat, materyales para maglinang ng seaweeds,
at punlang napakinabangan ng 2,588 na mangingisda. Certified seeds,
punla ng gabi, cassava, goma, at mga punong namumunga para sa 145,121 na
magsasaka. Simula pa lang po iyan; nakalaan na ang 183 million pesos
para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4 million pesos
para sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa malinis na
inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan;
691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para
sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa
patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng
pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. [Applause]
Lilinawin ko rin po, hindi pa kasama rito ang taunang suportang
natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7 billion pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating gustong
tumiwalag, nakikita na ang epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang
pahiwatig ng kanilang tiwala ang nakaraang pitong buwan, kung kailan
walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at ng MILF. Sa peace
process naman po, hayag at lantaran ang usapan. Nagpapamalas ang
magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan, magiging
masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit
ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang
prinsipyong isinulong natin upang mabuo ang ating Executive Order ukol
sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong consensus: mapakinabangan
ang ating likas na yaman upang iangat ang buhay ng Pilipino, hindi
lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na salinlahi. Hindi natin
pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung ang magiging
kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan. [Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin
po ninyo, noong 2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha
mula sa pagmimina, subalit 13.4 billion pesos lamang o siyam na
porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang likas na yaman, pag-aari
ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta sa Pilipino.
Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas na
sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan
ang magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang
makukuha natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa
Disaster Risk Reduction and Management. Dati, ang gobyernong dapat
tumutulong, nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang
bagyo, alam na kung saan idedestino ang ayuda, at may malinaw nang
plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna,
lagi kong naaalala ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong minsang
bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang isang dike. Nang nagising ang
atin pong barangay captain, tinangay na ng baha ang kanyang bahay at mga
kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nailigtas ang buong mag-anak. Malas
lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno; nabigti ito sa lakas
ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami
sa tinamaan ng bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi
sa paghagupit ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH,
isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at
hindi na rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit
ang teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang
makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang
ng walumpu’t anim na automated rain gauges at dalawampu’t walong water
level monitoring sensors natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang
2013, ang target natin: animnaraang automated rain gauges at apatnaraan
at dalawampu’t dalawang water level sensors. Ipapakabit po natin ang mga
ito sa labingwalong pangunahing river basins sa buong bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga
ahensya’y kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda,
kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan para
sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga
programa sa tree planting. Pero matapos magtanim, pababayaan na lang ang
mga ito. Kapag nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng kabuhayan,
puputulin ang mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong
128,558 hectares ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po
iyan ng kabuuang 1.5 million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa
puwesto. [Applause] Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence Initiative.
Ang proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga
komunidad. Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno;
mayroon ding mga magpapalago ng bagong punla sa nursery. Three hundred
thirty-five thousand seventy-eight na po ang mga Pilipinong nakakakuha
ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din
ang pribadong sektor, na nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at
cacao sa komunidad, at tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas
ang ani. Itinatanim ang kape sa ilalim ng mga puno, na habang nakatayo
ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong makaiwas tayo sa pinsala.
Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin ng ani. Panalo po
ang mga komunidad na may dagdag kita, panalo ang pribadong sektor,
panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno. [Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang lumapag ang EO 23,
nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na milyong pisong
halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang ito;
paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng mga
LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR,
lalapag sa mga komunidad na naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang
resulta: upuan para sa mga pampublikong paaralan na hawak naman ng
DepEd. Isipin po ninyo, ang dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon,
tulay na para sa mas mabuting kinabukasan. Dati, imposible nga ito;
imposible kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong
mga paulit-ulit isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na
kayo. Tapos na ang maliligayang araw po ninyo. [Applause]
Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng DENR, isang PNP
provincial director, at pitong chiefs of police. Pinagpapaliwanag na rin
po natin ang isang regional director ng PNP na nagbingi-bingihan sa
aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong dumaan sa
kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo. Magkubli
man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama na
rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa magkasalubong ang ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at
pagtatrabaho, may pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin
niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado
hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang
ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa kanya ang pensiyong
siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat
dito: may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada
buwan. Paano kaya niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain
araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na
bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng ating
old-age and disability pensioners. [Applause] Masaya tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno.
Sumasabay na po sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry
level. Pero kapag sabay kayong na-promote ng kaklase mong piniling
mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon po, ang good news natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives.
Dati, miski palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa
rin ang pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama,
nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan
niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho. Nawawalan sila ng
dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga
tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang
natin upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng
sistema kung saan ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa
kanilang mga target para sa taon. [Applause] Nasa kamay na ng
empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot
ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa pagpapakitang-gilas mo sa
iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na Christmas bonus na
matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi lamang para
itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga
lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at
mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila
lamang ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan. [Applause]
Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon
nang mga kumukuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang
mahirap.” Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang
nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot,
“Siyempre.”
Isipin po natin ang ating
pinanggalingan: Dati, parang “Wild West” ang pamumuhunan sa Pilipinas.
May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa ‘di tiyak
at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka gamit ang kanan, kokotongan ka
naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may
hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng
kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy
ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo,
paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno,
walang tagas sa sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago
ang kaban ng bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan:
Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso para sa
classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng tulay,
kalsada, at gusali, itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos
ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa
agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang
presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang
ekonomiya.
Tunay nga po, ang matatag at malakas na
ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag
laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating
binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang
makakapigil sa ating sariling pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng ito habang
binubuno rin ng bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang
kani-kanilang problema’t pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t
habang tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang
na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo
de Masinloc. May mga mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo.
Nasabat ng barko natin at nasabat sa kanilang mga barko ang endangered
species. Bilang pinuno, kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral sa
ating bansa. Sa pagsulong nito, nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng
mga Tsino, na umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang
karapatan natin at ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na
pinagtibay naman ng United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin.
Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin,
ay agad nating pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan
sa mga banat ng kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro kalabisan
na hilingin sa kabilang panig na galangin ang ating karapatan, gaya ng
paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang
mundong kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na
nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo.
Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang
kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba kayo? Hindi naman po
yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan
ang pakikiisa sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin.
Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng ating
mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi
magiging simple ang solusyon. Magtiwala po kayo, kumokonsulta tayo sa
mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa mga
kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng usaping ito—upang
makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat. [Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan,
nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na
bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga
nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga sinasabi;
naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita
lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang
magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para
makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and
forget na lang ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget
na lang para sa magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng
bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin ang ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa
pamilya ng isang pulis na namatay nang walang kalaban-laban, dahil
batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang armadong
masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa
mga naulila ng limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao?
Maibabalik ba sila ng “forgive and forget?” [Applause] Forgive
and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na
estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang
tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” [Applause] Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at
pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay at ganap na katarungan.
Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban sa dating
pangulo. [Applause] Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan
ang nasaksihan natin noong ikadalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na
iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na
ang kabangga mo ay may mataas na katungkulan. [Applause] Noong
araw na iyon, may isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na
nagsabing, “Posible palang iisang batas lang ang kailangang sundin ng
court interpreter na tulad ko, at ng Punong Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang timbangan; maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong
Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na
po nating posible ang imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing
magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang
ating termino. [Applause] Marami pong sira sa sistemang
kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging madali ito.
Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na mandato;
ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating
sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: Kung
inosente ka, buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang
mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o
gaano man karami ang titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan
din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, [applause]
sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin,
puwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na
ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang
malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng
granada sa bahay. [Laughter] Ma’am, may mga darating pa pong
pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag,
sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalistang kakuntsaba o
komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang
ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa inyong
pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa pagiging instrumento ng
katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment trial. [Applause]
Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado
at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat
na sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana
ng mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok,
batikos, at agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang
unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang
Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo
binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po: Hindi natatapos ang
laban sa isang tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto, sa isang
maanomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa isang opisinang naituwid
ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa Kongreso na ipasa ang
panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act, upang mas
mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat
nailawan at iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay, paliparan, tren,
at daungan; ang bawat kontratang walang bukol; ang kaligtasan at
kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa
sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na
napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong
kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang
taon.
Pagtabihin po natin ang dalawang taon na
ito, at ang nakaraang siyam at kalahating taon na ating pinagdusahan.
‘Di po ba’t sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang kapareho namin ng
adhikain, malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa
amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa
agenda ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y nasa panig ninyo?
Paparating na naman po ang halalan. Kayo
po, ang aming mga boss, ang tangi naming susundan. Ang tanong ko sa
inyo, “Boss, saan tayo tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na
landas, o magmamane-obra ba tayo paatras, pabalik sa daan na baluktot at
walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo.
Mulat na mulat ako sa bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako
sa mga nag-isip: Kaya pa bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagkapinuno: Walang pong imposible. [Applause]
Walang imposible dahil kung nakikita ng taumbayan na sila ang tanging
boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila
mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na
ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na
magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa rotavirus. Hindi
imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing, “Ang Pilipinas ay
sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na ang
Pilipinong kay tagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na
dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo. [Applause] Talaga naman pong ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa
taumbayan, magpasalamat sa mga nakikiambag sa positibong pagbabago sa
lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop
lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga
maling idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat. [Applause]
Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang
pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid ng serbisyo-publiko,
kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo,
panganib, at pambabatikos. Kaya maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil
personal ko silang pangangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at
Sister Agnes Guillen, na dumidilig at nagpapalago sa aking buhay
spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan ang pagsubok sa amin,
maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na
lamang din po ang natitira. Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating
liderato. Noong nakaraang taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura
ng negatibismo; sa bawat pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng
isang gobyernong kayo ang boss at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko
lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o
doktor na piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na
piniling magtrabaho sa gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang
watawat saan mang panig ng mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na
tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang gumawa ng pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na
nagsasabing, “Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon
ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na
nagsasabing, “Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong makapag-aral,”
ang tugon ko: Kasama ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na
nagsasabing, “Salamat at puwede ko na muling pangaraping tumanda sa
Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang
Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa
aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting buhay ang liwanag na ganito,”
ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa
isang magsasaka, guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center,
karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing
“Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po, posible na ang dating
imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA
ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming,
maraming salamat po at magandang hapon po sa lahat. [Applause]